6 KABILANG ANG PULIS AT SIBILYAN PATAY SA SHOOT OUT SA NORTH COTABATO
Published Nov 24, 2022 04:45 PM by: NET25 News
Anim na indibidwal ang nasawi, kabilang ang isang pulis at sibilyan, habang apat ang malubhang nasugatan sa shootout sa pagitan ng mga pulis at magnanakaw sa M’lang, North Cotabato. Kinilala ni M’lang Police Chief Lt. Col. Realan Mamon ang mga nasawi na sina Staff Sgt. Rudy Amihan Jr., Jack Gumilao, 53, isang sibilyan at apat na hindi pa nakikilalang suspek. Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na sina Corporal Noli Labesores ng M’lang police; Patrolman Hezron Neyra ng Provincial Police Mobile Force, at sibilyang sina Tweeny Daza ng Barangay Bialong at Jose Patubay ng Barangay Bagumbayan, Tulunan, North Cotabato. Base sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang shootout dakong 3:00 ng hapon ng pasukin ng mga magnanakaw ang Regz and Kirks Bakeshop sa Barangay Bagontapay sa naturang lugar. Sinabi ni Mamon na wala namang naiulat na nasugatan sa mga empleyado ng Bakeshop. Umabot sa P17,000 halaga ng salapi at mga kagamitan ang natangay ng mga suspek matapos ang panloloob. Tumakas ang mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo kung saan naka-engkwentro ng mga ito ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoint sa Sitio Quitos, Barangay Dugong. Sa gitna ng palitan ng putok ay nasawi ang apat na suspek, isang pulis at isang sibilyan habang nasugatan naman ang apat na iba pa. Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang .45 kalibre ng baril at dalawang motorsiklo. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang kilalanin ang grupo ng napatay na suspek.
Latest News