3 SLEEPING MANILA COPS SINERMUNAN NI DIZON
Published Nov 24, 2022 05:19 PM by: NET25 News | 📷: PBGEN ANDRE PEREZ DIZON FB
Sermon at awtomatikong inilipat ng place of assignment ang tatlong sleeping cops ng Manila Police District (MPD) nang maaktuhan ni Director PBGen. Andre Dizon na mahimbing na natutulog sa tour of duty sa isinagawang surprise inspection, madaling araw ng Huwebes sa Plaza Lawton, Manila. Dakong 4 ng madaling araw ng pasukin ni Dizon ang Lawton Police Community Precinct na sakop ng Ermita Police Station 5, at nasorpresa sa nadatnang eksena. Ayon sa ulat, sa bungad ng istasyon ay sumalubong kay Dizon ang pulis na mahimbing ang tulog habang nakaupo. Pagpasok sa loob ng heneral, dalawa pang tauhan ang nasa kasarapan rin ng pagtulog. Ang tatlong pulis ay hindi man lang nagising kahit tinututukan na sila ng camera ng mga kagawad ng media na sumama sa inspeksyon ni Dizon. Mismong si Dizon ang gumising sa mga tauhan at hinilamusan ng sermon habang pupungas-pungas ang mga ito. Pero nais pang bigyan ni Dizon ng ikalawang pagkakataon ang tatlong tauhan kaya hindi muna sinampahan ng kasong administratibo. Sa halip, inilipat na lamang sila sa Delpan Police Station. Muling nagpaalala si Dizon sa mga tauhan na hindi dapat tutulog-tulog sa duty dahil anumang oras ay kakailanganin ang tulong nila ng publiko. Maaari naman umidlip kung hindi na kaya ang antok pero dapat mas maraming gising sa loob ng isang istasyon kaysa halos lahat ay tulog.
Latest News