Logo
FEATURED

PIMENTEL, UMAASANG MAILIPAT ANG CONFIDENTIAL AT INTELLIGENCE FUNDS NG ILANG AHENSYA SA IBANG PROYEKTO

Published Nov 24, 2022 05:22 PM by: NET25 News | 📷: SENATE OF THE PHILIPPINES FB

PIMENTEL, UMAASANG MAILIPAT ANG CONFIDENTIAL AT INTELLIGENCE FUNDS NG ILANG AHENSYA SA IBANG PROYEKTO

Patuloy na umaasa si Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel III na maaari pang mailipat ang confidential at intelligence funds ng ilang ahensya ng gobyerno sa ibang programa. Bukas, (Biyernes, Nobyembre 25) nakatakdang simulan ang bicameral conference committee meeting para sa 2023 General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng P5.268 trilyon. Ire-reconcile ng Senado at ng House of Representatives ang disagreeing provisions sa kanilang bersyon ng 2023 budget sa bicameral conference committee meeting. Ayon kay Pimentel, may pagkakataon pang mapag-usapan ang realignment ng confidential at intelligence funds sa bicam meeting kung makukumbinsi ang House of Representatives panel. Sinabi ng mambabatas na ang House version ay hindi naglalaman ng mga tapyas na confidential at intelligence funds hindi katulad sa Senate version. Dahil dito, sinabi ni Pimentel na numero unong isyu na agad ito ng contentious provision ng panukalang 2023 budget na maaaring pagdebatehan sa bicam meeting. Aniya, hindi naman ito maaaring pangunahan ng Senado partikular na ang oposisyon ng Mataas na Kapulungan dahil ang trabaho na nila ay depensahan ang inaprubahan nilang bersyon. Ayon pa kay Pimentel, maaaring i-raise ng Senate Minority ang isyu pero hindi pa ito napag-usapan at napagkasunduan ng panel.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News