MIF BILL MAIPAPASA HANGGANG SECOND READING BAGO ANG HOLIDAY SEASON BREAK
Published Dec 08, 2022 01:09 PM by: NET25 News | 📷: HOUSE OF REPRESENTATIVES OF THE PHILIPPINES FB
Kumpiyansa ang liderato ng House of Representatives na maipapasa ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund bill (MIF) bago ang holiday season break ng mga mambabatas sa susunod na linggo. Sa isang pahayag, tiniyak ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Representative Manuel Jose ‘Mannix’ Dalipe na maaaring umabot ng hanggang second reading sa Kamara ang panukalang Maharlika Investment Fund. Ayon kay Dalipe, chairman ng House Committee on Rules, batay sa napagkasunduang schedule ng komite, ay ipapasa ang MIF hanggang second reading ngayong Disyembre. Tumanggi si Dalipe na isiwalat kung kailan maaaring maisalang sa 3rd reading ang panukala. Sa kasalukuyan, aprubado na ang panukala sa Committee on Banks and Financial Intermediaries at Ways and Means. Habang batay sa committee schedule, sa Biyernes pa ito maisasalang sa House Committee on Appropriations at oras na maaprubahan sa naturang komite ay saka pa lang dadalhin sa plenaryo. Hanggang December 14 na lang ang sesyon ng Mababang Kapulungan.
Latest News