PBBM, KUMPIYANSANG HINDI MAGKAKAROON NG RECESSION SA BANSA
Published Dec 08, 2022 01:25 PM by: NET25 News | 📷: BONGBONG MARCOS FB
"Hindi tayo magkakaroon ng recession dito sa Pilipinas." Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang unemployment rate noong Oktubre. “Ang balita na tumaas ang inflation rate na hanggang eight percent last November. Mayroon naman kasabay na mas magandang balita na bumaba ang unemployment rate sa four and a half percent mula sa five percent,” saad ni Marcos sa video message. “Kaya’t kahit papaano ay malakas ang loob natin na hindi tayo magkakaroon ng recession dito sa Pilipinas dahil masyadong mababa ang unemployment rate at kung maaalala ninyo sa pagsimula namin dito sa administrasyong ito ay pinag-usapan na namin ay trabaho talaga ang aming uunahin. Kaya’t ‘yan ang nakikita ngayon natin na nangyayari. Ipagpatuloy lang natin ‘yan,” aniya pa. Sinabi ng Pangulo na gumagawa ng paraan ang kanyang administrasyon upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga ordinaryong Pilipino. “At asahan ninyo na lahat ng paraaan na maaari nating gawin ay gagawin natin para pababain ang inflation rate at gawing mas mabagal man lang ang pagtaas ng presyo,” dagdag na pahayag ni Marcos. Batay sa labor force survey ng PSA na inilabas noong Miyerkules, bumaba ang unemployment rate sa 4.5 percent noong Oktubre, mas mababa sa 7.4 percent na naitala noong Oktubre 2021 at 5 percent noong Setyembre. Ayon sa PSA survey, ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ay bumaba sa 2.24 milyon noong Oktubre mula sa 3.5 milyon noong nakaraang taon.
Latest News