RECORD BREAKING: MAHIGIT 400K NAKINABANG SA LIBRENG SAKAY NOONG DEC. 5
Published Dec 08, 2022 01:58 PM by: NET25 News | 📷: LAND TRANSPORTATION FRANCHISING AND REGULATORY BOARD - LTFRB
Sinabi ng Department of Transportation na nakapagtala ito ng record-breaking sa dami ng mga pasaherong tumangkilik ng Libreng Sakay Program ng gobyerno. Nitong Lunes, nakapagtala ang DOTr ng 410,474 pasahero ng Libreng Sakay. Ito na ang pinaka maraming bilang ng mananakay ng Libreng Sakay Program simula noong 2020. Ang Libreng Sakay Program ay nasa ilalim ng service contracting program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Una rito, sinabi ng LTFRB na iimbestigahan nila ang mga ulat na may ilang bus driver sa Edsa na humihiling pa rin sa mga pasahero na magbayad sa kabila ng 24-hour operations ng libreng sakay na serbisyo ngayong buwan. Pinayuhan naman ng LTFRB ang publiko na iulat ang mga ganitong kaso sa mga traffic inspector sa kahabaan ng Edsa Busway. Ngayong holiday season magde-deploy ang DOTr 650 public utility bus mula alas-4 ng umaga hanggang alas-onse ng gabi at 100 bus na ba-biyahe mula 11:01 p.m hanggang 3:59 a.m. Samantala, naghain naman ng House Bill No.6647 o ang proposed CCTV TTransortation Terminal Surveillance Act si Rep. Ramon Rodriguez Gutierrez upang masiguro ang kaligtasan ng bawat pasahero. Sa batas na ito, dapat maglagay ang bawat LGU ng CCTV system sa mga pampublikong terminal habang ang mga pribado o pinag-mamay ari ng mga operator ay inoobligang maglagay ng kanilang CCTV.
Latest News