SURGE FEE SA PASAHE NG GRAB, ILEGAL
Published Dec 08, 2022 04:32 PM by: NET25 News
Ilegal ang ginawang pagkarga ng GRAB sa surge fee sa pasahe ng mga mananakay sa mga TNVS vehicles. Ito ang naging pahayag ni Elvira Medina, Founding Chairperson ng National Center for Commuter Safety and Protection, kaugnay ng naging pagtaas ng bayarin ng mga pasahero ng mga TNVS vehicles dahil sa pagkarga sa kanilang pasahe ng surge fee. Ayon kay Medina, maituturing na ilegal na ang ginawa ng GRAB dahil wala pang permit na ibinigay ang LTFRB o sinumang awtoridad na pumapayag na magkarga sila ng surge fee sa pasahe sa TNVS vehicles. Ang P2 Surge fee ay sisingilin kung rush hour lamang. “Eh ang nangyayari ngayon diyan kahit hindi naman rush hour, naikarga na sa pasahero ang surge fee, illegal yan. Wala pa namang measure na nagsasabi na idagdag nyo yan. There should be an authority para gawin nila yan. Wala pang signal..dapat may signal muna sa authority bago ipatupad yan” sabi ni Medina. Dahil dito nanawagan si Medina sa Land Transportation Frachising and Regulatory Board (LTFRB) na agarang aksyunan ang usaping ito at pagpaliwanagin ang GRAB kung bakit naikakarga ang surge fee sa pasahe ng mga TNVS commuters ng walang pahintulot ang ahensiya. Una nang hiniling ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa GRAB na ipaliwanag sa publiko kung paano ikinakarga ang surge fee sa pasahe ng mga TNVS passengers nang wala pang signal na ibinibigay ang LTFRB para rito.
Latest News