BEBOT NA PASAHERO, KALABOSO SA BINAYAD NA PEKENG P1K BILL
Published Dec 08, 2022 04:40 PM by: NET25 News
Arestado ang isang babaeng pasahero ng taxi makaraang magbayad ng pekeng P1,000 bill sa Taguig City. Nakapiit na sa Taguig City Police Station ang suspek na si Elizabeth De Roxas, 40. Ayon sa pahayag ng taxi driver na si Jefrey Andrino, 39, sumakay ang suspek sa kaniyang taxi sa Malibay Street, Pasay City at nagpahatid ito sa Gate 3 Chino Roces Extension, sa Fort Bonifacio, sa Taguig. Nang bababa na si Elizabeth ay nagbayad ito ng P1,000 at minamadali and taxi driver sa hinihinging sukli na P850. Ibinalik ng driver ang pera dahil naghinala na ito na peke ang perang ibinabayad sa kaniya. Nagtungo ang babae sa isang convenience store para magpapalit umano subalit nabigo siya kaya binalikan ng suspek na si Elizabeth ang driver at pilit na ibinabayad ang pera na nauwi sa pagtatalo. Humingi ng saklolo sa Taguig City Police Substation 1 ang driver na naging dahilan upang arestuhin si Elizabeth dahil sa peke umano ang ibinabayad nito.
Latest News