11 PATAY SA MGA PAGBAHA
Published Jan 11, 2023 10:07 AM by: NET25 News|📷 ELY DUMABOC
Malakas na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha bunsod ng Low Pressure Area (LPA) ang naranasan ng buong bansa simula Enero 2. Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD), mayroong nang 11 katao ang nasawi dahil sa pag-ulan at pagbaha sa silangan ng Surigao del Sur. Dagdag pa ni OCD Joint Information Center head Diego Agustin Mariano, nasa 263,906 indibidwal o 63,101 pamilya ang apektado ng pag-ulan sa Bicol region, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao at Bangsamoro region. P125.4 milyon ang nasira sa imprastraktura habang umabot sa P77.9 milyon ang nasira sa sektor ng agrikultura. Samantala, inanunsiyo ng PAGASA na bagama’t maliit ang tiyansang maging bagyo itong LPA, magdadala naman ito ng malakas na pag-ulan sa probinsya ng Sorsogon, Masbate, Eastern Visayas, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Agusan del Norte. Asahan din ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Agusan del Sur, Davao region, at Northern Mindanao maging ang ilang bahagi sa Bicol at nalalabing bahagi ng Visayas. Patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad na mag-ingat lalo na ang mga residente sa low-lying areas sa mga posibleng pagbaha at landslide.
Latest News