2,540 BAKWIT SA ZAMBOANGA CITY
Published Jan 12, 2023 10:48 AM by: NET25 News|📷 ELY DUMABOC
Dulot pa rin ng mga pagbaha sanhi ng Low Pressure Area (LPA), nasa 13 barangay sa Zamboanga City ang inilikas sa 10 evacuation centers kahapon, Jan. 11. 2,540 residente ang inilikas at nasa mga evacuation center pagkatapos lumubog sab aha ang kanilang mga tahanan dulot ng walang tigil na pag-ulan. Ang mga residenteng inilikas ay mula sa barangay Cabaluay, Sangali, Guisao, Sto. Niño, Putik, Tugbungan, Tetuan, Tumaga, Guiwan Porcentro, Santa Maria, Cawit, Ayala, Zone IV at San Jose. Miyerkules ng alas-10:00 ng umaga nang mag-abiso ang City Disaster Reduction and Management Office sa mga residente na naninirahan malapit sa Tumaga river na ang antas ng tubig sa Pasonanca ay lumagpas na sa normal level nito na 74.0 meters. Umapaw ang tubig kung kaya’t nagdulot ito ng pagbaha sa mga barangay. Agad naman inalis ng Zamboanga City Electric Cooperative ang suplay ng kuryente sa 18 lugar na binaha upang makaiwas sa anumang disgrasya. Samantala, sinuspinde naman ni Mayor John Dalipe ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan. Maging ang trabaho sa gobyerno ay kinansela rin. Hindi naging ligtas sa pagbaha ang paliparan sa Zamboanga City kung kaya’t kinansela ang mga commercial flight at na-divert ito sa Cagayan de Oro at Davao. Dahil pa rin sa sama ng panahon, na-delay ang pagpunta ni Pangulong Marcos Jr. kahapon ng umaga sa Misamis Occidental. Sinabi ng Presidential Communications Office, naka-tatlong landing attempt ang eroplanong sinasakyan ni PBBM bago ito nakalapag sa Ozamiz City airport. Pinangunahan ng Pangulo ang pamimigay ng ayuda sa mga kababayan nating naapektuhan ng shear line at LPA. Nangako si PBBM sa mga pamilya na nasira ang mga bahay na pagkakalooban sila ng matitirhan sa tulong ng National Housing Authority. Inatasan din ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways na agarang ayusin ang mga nasirang tulay at daan. Mula Ozamiz City, nagtungo rin kahapon si PBBM sa Gingoog City upang kumustahin ang mga kababayan na direktang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad.
Latest News