Logo
FEATURED

DMW: WALANG DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT

Published Jan 25, 2023 10:40 AM by: NET25 News|📷 DMW FB

DMW: WALANG DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT

Nilinaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Susan “Toots” Ople na hindi nila haharangin ang pagpapaalis sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) papuntang Kuwait. "We see no need to declare a deployment ban because the Kuwait government is closely coordinating with our embassy. This resulted in the arrest of the suspect within 24 hours from the commission of the crime." Pahayag ni DMW Ople. Ito ay sa kabila ng kalunos-lunos na sinapit ng OFW na si Jullebee Ranara, na natagpuang sunog ang katawan sa disyerto. Ayon sa report ng DMW, ang biktima ay 35-anyos at may apat na anak. Ang suspek ay ang 17-anyos na anak ng employer ni Ranara. Nakumpirma na mga labi ni Ranara ang sunog na katawan sa isang disyerto pagkatapos ng isang DNA test. Dalawang araw bago ang insidente, nakausap pa umano ni Ranara ang pamilya nito sa Pilipinas. "On Friday the family was still able to talk to her. On Saturday, she could no longer be contacted by her parents. She was found dead on Sunday," pahayag ni Ople. Ayon sa pamilya ni Jullebee, nagtrabaho ito sa ibang bansa upang matustusan ang pag-aaral ng mga anak dahil mga bata pa lang ang mga ito. Si Ranara ay isang active member ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung kaya’t makukuha nito ang mga benepisyo, bayad sa pagpapalibing, scholarship para sa mga anak, cash benefits, at iba pa. Sa kasalukuyan, inaayos na ng vice consul, assistant labor attaché at welfare officer at ng abogado ng bansa ang kaso ni Ranara. Inaasikaso na rin ang pagpapadala sa mga labi ng OFW. "We are now looking at how we should pursue the case, considering that the suspect is a minor. We would like to know Kuwaiti's law on minors. As of now, we are still waiting for the report of the law firm and the official copy of the police report," ani Ople. Ipinunto ni Ople na sa halip ay isusulong nila ang isang bilateral labor agreement sa Kuwait na magbibigay ng sapat na benepisyo, seguridad, at proteksyon mula sa maltreatment, sekswal na pang-aabuso at iba pang anyo ng pang-aabuso sa mga migranteng manggagawang Pilipino. Dagdag pa rito, susundin ng DMW ang formula na nilagdaan ng bansa sa Kingdom of Saudi Arabia na nagbibigay ng sapat na garantiya at proteksyon para sa seguridad ng mga OFW. Matatandaang, dalawang beses na sinuspinde ng Philippine Overseas Employment Administration, isang adjunct agency ng DMW, ang deployment ng mga OFW na patungo sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ni Jeanelyn Villavende noong 2020 at Joanna Demafelis noong 2018. Kalaunan, inalis ang deployment ban kasunod ng paglagda sa isang memorandum of agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, na nagbigay ng karagdagang proteksyon sa mga OFW sa Kuwait. Sa kasalukyan, mayroong mahigit 180,000 Filipino domestic helpers sa Kuwait. Nagkaroon ng paglaki sa deployment ng mga HSW sa Kuwait noong 2022 bilang resulta ng pansamantalang deployment ban sa Saudi Arabia, na naganap dahil sa napaulat na pagmamaltrato at pang-aabuso sa mga Filipino domestic helpers. Gayunpaman, hinimok ng Migrante International ang gobyerno na suriin ang bilateral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait. Sinabi ni Migrante International Chairman Joana Concepcion na dapat tukuyin ng mga awtoridad kung sinusunod ang mga mekanismong nakasaad sa kasunduan. Hinimok din niya ang gobyerno na magbigay ng mas magandang pansamantalang tirahan para sa mga distressed overseas Filipino workers na naghihintay na maiuwi sa Kuwait.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News