Logo
FEATURED

BILYONG PISO LUGI SA TAX REVENUE DAHIL SA PALM OLEIN

Published Jan 25, 2023 10:42 AM by: NET25 News|📷 AFP

BILYONG PISO LUGI SA TAX REVENUE DAHIL SA PALM OLEIN

Hiniling ng Federation of Philippine Industries (FPI) na maimbestigahan ang iligal na paggamit sa imported palm olein bilang alternatibo sa coconut oil, na nagre-resulta sa pagkalugi ng bilyun-bilyong-piso sa tax revenue ng bansa. Sa isang pahayag, sinabi ni FPI Chairman Jesus L. Arranza na sumulat siya kay Pangulong Ferdinand E. Marcos Jr. noong Disyembre 5, 2022 na nababahala ang kanilang asosasyon sa umano'y ilegal na paggamit ng imported palm olein. Sa isang sulat ng Presidential Management Staff kay Agriculture Undersecretary Domingo F. Panganiban, na suriin ang merito ng kahilingan at gumawa ng kaukulang aksyon sa mga isyung tinalakay ni Arranza sa kanyang liham sa Pangulo. Ikinatuwa naman ni Arranza ang tugon ng Office of the President sa kanyang liham bilang malaking tulong sa kampanya laban sa smuggling at iba pang uri ng ipinagbabawal na kalakalan na sumisira sa ekonomiya at nagpapahirap sa milyun-milyong manggagawa at magsasakang Pilipino. Sa kanyang liham kay Pangulong Marcos, sinabi ni Arranza na nakatanggap sila ng mga reliable report at mga dokumento na dapat isailalim sa isang masusing imbestigasyon nang mahuli na ang mga importer na aktwal na gumagamit ng palm olein para sa iba pang layunin ngunit nagdedeklara ng kanilang mga importations ay para sa compounding ng mga animal feeds upang maiwasan ang pagbabayad ng value-added tax (VAT) at iba pang buwis at tungkulin. “The reality is that a big portion of the imported palm olein is being diverted for sale to either – 1) producers of biodiesel an additive to diesel fuel, and 2) to the retail market (public markets, groceries, supermarkets, and sari-sari stores) as cooking oil for eventual sale to the consuming public,” saad ni Arranza. Binanggit niya na habang ang mga nauugnay na regulasyon ng Department of Energy ay partikular na nagtatakda na ang langis ng niyog lamang ang maaaring ihalo sa diesel upang makagawa ng "biodiesel". “These importers are actually delivering palm olein instead to substitute for coconut oil,”pagdidiin ni Arranza. Ang coconut oil ay mas mataas ang presyo kaysa sa palm olein, sinabi ni Arranza na ang mga importer na ito ay nakakakuha ng panibagong windfall ng cash mula sa pagpapalit ng coconut oil sa palm olein. Dagdag pa ni Arranza na lubhang apektado rito ang mga coconut farmer at ang industriya nito. Sinabi ni Arranza na nais niyang tugunan ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang ilan sa kanyang mga isyu sa pag-aangkat ng palm olein. Aniya, tumataas ang kabuuang certifications na inisyu ng BAI (re the duty and VAT-free importations of palm oil) sa kabila ng naging epidemya na ang African Swine Fever (ASF). Nais din ng FPI na makabuo ang BAI ng listahan ng mga feed producer (feed millers) upang matukoy kung talagang ginamit o hindi ang kabuuang imported palm olein sa paggawa ng mga feed. Tiniyak ni Arranza na siya at ang iba pang resource persons mula sa FPI at Coconut Oil Refiners Association ay “most willing and able to discuss and prove these points” sa isang pulong na ipapatawag ng Department of Agriculture at sa mga pagdinig ng kongreso upang imbestigahan ang ilegal na paggamit ng imported palm olein.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News