DMW, TINIYAK ANG AGARANG PAGPAPAUWI SA LABI NG PINATAY NA OFW SA KUWAIT
Published Jan 25, 2023 03:29 PM by: NET25 News | 📷: PNA
Minamadali na ng Department of Migrant Workers (DMW) na maiuwi sa Pilipinas ang labi ng overseas Filipino worker (OFW) na pinaslang sa Kuwait. Sinabi ni DMW Secretary Susan "Toots" Ople na wala silang nakikitang dahilan para ma-delay ang pagpapauwi sa mga labi ng pinatay na OFW na si Jullebee Ranara, 35 anyos, na sinunog at natagpuan sa disyerto sa Kuwait. Ito ay dahil nasa kustodiya na ng mga awtoridad sa Kuwait ang pangunahing suspek sa krimen na 17 anyos lang at anak ng employer ni Ranara. Ayon kay Ople, naging mabilis ang pagkilos ng pamahalaan para asikasuhin ang kaso ni Ranara dahil sa loob lang ng 24 oras ay hawak na agad ng Kuwaiti police ang suspek. Tiniyak ni Ople na nagtutulungan ang mga opisyal ng embahada ng bansa sa Kuwait, Kuwaiti police, at prosecutor's office para sa mabilis na paggulong sa kaso at mabigyan ng hustisya ang naiwang pamilya ng biktima. Samantala, wala pang balak sa ngayon ang DMW na magpatupad ng deployment ban sa Kuwait. Paliwanag ni Ople, dalawang magkaibang bagay ang pagiging halimaw ng anak ng employer ni Ranara at ang kasunduan sa gobyerno ng Kuwait. Gayunpaman, nais ng Kalihim na magkaroon ng karagdagang safeguards para matiyak na mas mapoprotektahan ang mga OFWs sa Kuwait, at mangangailangan ito ng kooperasyon mula sa Kuwait government.
Latest News