JEEPNEY DRIVER AT KONDUKTOR, ARESTADO SA TANGKANG PANANAKSAK SA TRAFFIC ENFORCERS
Published Jan 25, 2023 03:38 PM by: NET25 News | 📷: QCPD DPCRD FB
Arestado ang isang jeepney driver at kasamahang konduktor nang tangkaing saksakin ang dalawang traffic enforcer na sumita sa kanila dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Quezon City, noong Martes. Nakilala ang mga nadakip na sina Alex Tumala, driver, at ang kaniyang kasamahan na si John Paul Cruz. Nabatid sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4, bago ang pag-aresto ay sinita at tinikitan ng mga tauhan ng QC Task Force Disiplina, sa pangunguna ni Paul Arthur Ramos, si Tumala matapos na huminto at tinangkang magsakay ng pasahero sa ‘no loading and unloading’ zone sa Quirino Highway sa Novaliches. Nagalit umano si Tumala na pinagmumura ang mga traffic enforcer, saka hinamon ng suntukan. Nang lapitan umano ng dalawang enforcer si Tumala, ay sumaklolo naman ang kasamahan nitong si Cruz, na naglabas ng kutsilyo at iwinasiwas ito sa mga traffic enforcer. Nakita naman ng ilang concerned citizen ang pangyayari kung saan kinuyog ang mga suspect saka ipinaaresto sa mga pulis. Ayon sa pulisya, nang kapkapan ang mga suspek, nakuha mula kay Cruz ang isang sachet ng umano'y shabu, gayundin ang isang kutsilyo. Aminado naman si Tumala na huminto sila sa maling babaan at sakayan habang itinanggi ni Cruz na may nakuha sa kaniyang droga at sinabing wala siyang balak saksakin ang mga traffic enforcer. Inihahanda na ang kakulang kaso laban sa dalawa.
Latest News