EX-PSG CHIEF ‘UTAK’ SA PAGPATAY SA NEGOSYANTENG MODELO SA DAVAO CITY
Published Jan 25, 2023 05:43 PM by: NET25 News | 📷: PSGTROOPERS.COM
Itinuturong utak sa kasong pagpapatay sa modelong negosyante na si Yvonne Chua Plaza si dating chief ng Presidential Security Group (PSG) na si Brig. Gen. Jesus P. Durante noong Disyembre 29, 2022 sa Davao City. Ito umano ang lumabas sa isinagawang imbestigasyon kaya isinampa na ang kasong murder laban kay Durante at walong iba pa na pawang mga miyembro ng 1001st Infantry Brigade. Ayon kay Major Eudisan Gultiano, Special Investigation Task Group (SITG) spokesperson bukod kay Durante kasama sa kinasuhan sina brigade deputy commander Col. Michael D. Licyayo; Staff Sgt. Gilbert Plaza; Staff Sgt. Delfin Llarenas Sialsa Jr.; Corporal Adrian N. Cachero; Private First Class Rolly Cabal; Private First Class Romart Longakit; Noel H. Japitan, at isang alyas Junior. Nagsampa rin ang SITG ng kasong obstruction of justice laban kina Licyayo, Plaza at isang ‘Master Sargeant’, na sinasabing escort ni Durante. Sinabi ni Gultiano na batay sa pahayag ng isang saksi, nagsilbing gunman si Sialsa habang si Cachero ang driver ng motorsiklo. Si Licyayo naman ang nagbigay impormasyon ng biktima at pondo para sa pagpatay. Dagdag pa ni Gultiano, ‘ikinanta’ na rin si Durante ng kaniyang mga kasamahan na nag –utos na patayin si Plaza. Lumilitaw na matapos ang pamamaslang kay Plaza sa labas ng kaniyang bahay sa Green Meadow Subdivision sa Brgy. Sto. Niño, Tugbok District, sinabihan umano si Japitan na baklasin ang motorsiklo at palitan ang kulay nito. Nabatid din sa pagsisiyasat ng SITG na baril na isyu ng Armed Forces of the Philippines ang ginamit ng mga suspek. Nakuha rin ng mga awtoridad mula kina Cachero at Plaza ang bag, cellphone, ID at credit card ng biktima. Dagdag pa ni Gultiano, nakita nila sa laptop ng biktima ang ilang mga larawan at email ni Durante kay Plaza. Ayon naman kay Davao Police Regional Office Director Brig. Gen. Benjamin Silo Jr., ang palitan ng email messages ni Plaza at Durante ay indikasyon na may relasyon ito kaya posibleng ‘selos’ ang motibo sa krimen.
Latest News