Logo
FEATURED

OCULAR INSPECTION SA CAAP, ITINAKDA NG SENADO SA LUNES

Published Feb 04, 2023 07:02 PM by: NET25 News|📷 CAAP FB

OCULAR INSPECTION SA CAAP, ITINAKDA NG SENADO SA LUNES

Bibisitahin ng mga senador sa Lunes, February 6,2023 ang air traffic management center ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP. Pangungunahan ni Senator Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, ang inspeksyon na kamakailan lamang ay nagsagawa ng pagdinig sa naganap na aberya sa Air Traffic Control Systems ng CAAP noon Enero 1, 2023 na nagpatigil sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at na stranded ang libo-libong pasahero. Sa pagdinig ng Senado, nabitin ang mga senador sa naging paliwanag ng mga opisyal ng CAAP tungkol sa naging aberya na itinuturo ng mga ito sa pagkasira ng isa sa circuit breakers ng air traffic management center. Maliban dito, lumabas sa pagdinig na wala ring CCTV ang silid ng mga kagamitan para sa air traffic management system at saka lamang nag-install ng cctv nang sitahin ng mga senador. Naniniwala ang mga mambabatas na makakatulong sana kung may CCTV para irekord ang pangyayari sa loob ng air traffic system. Napag-alaman din na hindi pa iniimbestigahan ang posibilidad ng cyber-attack dahil walang kagamitan para rito ang Department of Information and Communications Technology (DICT). Samantala, idinagdag ni Senator Francis Tolentino ang hiwalay pang imbestigasyon sa aberya sa NAIA noong Chinese New Year kung saan naantala rin ang mga flights at kabilang ang senador sa mga sakay ng eroplano na dalawang oras na natengga sa runway ng paliparan.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News