SENADO ILALABAN ANG SAPAT NA SAHOD SA MGA MANGGAGAWANG PILIPINO – ZUBIRI
Published Mar 18, 2023 03:51 PM by: NET25 News|📷 PNA
Siniguro ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at sa ibang lehitimong organisasyon ng mga manggagawa sa bansa na kasama nila ang Senado sa pagsulong at pakikibaka para sa disente at sapat na sahod. Inilabas ni Zubiri ang pahayag bilang tugon statement of support na inisyu ng TUCP hinggil sa inihaing panukala na P150 across the board daily wage increase sa mga empleyado at manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa. Nagpasalamat si Zubiri sa suportang ibinigay ng TUCP sa panukala kasabay ng pangako na patuloy na ipipilit ng Senado na magkaroon ng dagdag na sahod ang mga manggagawa. Muli namang kinontra ni Zubiri ang pangamba ng mga negosyante na posibleng maraming negosyo ang mapilitang magsara at magbabawas ng mga empleyado kapag ipinilit ang isinusulong na dagdag na sahod. Giit ni Zubiri, dalawa lamang ang pagpipilian ng mga business sector, ito ay itaas ang sweldo ng mga manggagawa o panoorin sila na mangibang bansa para sa mas magandang kita. Depensa ni Zubiri, hindi pwedeng pabayaan ang kapakanan ng mga manggagawa dahil sila ang nagpapagalaw ng mga industriya at kung wala sila ay siguradong malulumpo at babagsak ang mga industriya at ang ekonomiya ng bansa.
Latest News