700K TB INFECTION NAITALA NG DOH SA PILIPINAS BAWAT TAON
Published Mar 18, 2023 04:44 PM by: NET25 News|📷 PNA
Nagpahayag ng pagkabahala ngayon ang pamunuan ng Department of Health (DOH) dahil aabot sa 700,000 Pilipino sa buong bansa ang nagkakaroon ng Tuberculosis infection kada taon. Sa ulat ni Dr. Ronald Allan Fabella, Global Fund Advisor ng DOH Disease Prevention and Control Bureau, na nasa 470,000 Pilipino ang tumanggap ng Tuberculosis prevention services noong 2022. Binanggit niya na base sa ulat ng global Tuberculosis ng World Health Organization (WHO) na inilabas noong 2022, tinataya na 60,000 Pilipino ang namatay dahil sa tuberculosis, habang 741,000 ang nagkaroon ng aktibong tuberculosis noong 2021. Ayon kay Fabella, hindi ito nakakapagtaka dahil naapektuhan ang programa para sa TB noong pandemya at bumaba ang TB patients na nasuri at nabigyan ng gamot. Ang TB ay kumakalat sa tao sa pamamagitan ng hangin at kabilang sa mga sintomas nito kapag nagkaroon ng aktibong tuberculosis ay ubo, lagnat, pagpapawis sa gabi at bumababa ang timbang. Sinabi ni Fabella na ang naturang sakit ay itinuturing ng DOH na public health problem kaya hinihikayat ang mga indibidwal na may sintomas ng tuberculosis na magpakonsulta sa health center o rural health units.
Latest News