GOBYERNO, HANDA KAY 'MAWAR' —PBBM
Published May 26, 2023 02:38 PM by: NET25 News | 📷: PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE FB
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahandaan ng mga ahensya ng gobyerno sa posibleng pananalasa ng Super Typhoon Mawar. "Pinaghahandaan din natin ang magiging epekto nito hindi lamang sa hilagang bahagi ng bansa, kundi sa lahat ng lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo," sinabi ni Pangulong Marcos. Nakipag-pulong ang Pangulo kay Department of National Defense (DND) Undersecretary Carlito Galvez kung saan tiniyak nito na may nakahanda ng pondo at food packs. Sinabi ni Marcos na nakahanda na rin ang response teams at mga local government units (LGUs) na maaapektuhan ng bagyo. "Sa pulong kasama si DND USec. Carlito Galvez, siniguro natin na naka pre-position ang pondo at food packs, naka-standby ang response teams, at handa na ang mga LGU sa mga lugar na tatamaan ng bagyo," aniya. Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Mawar sa Biyernes ng gabi o Sabado, at papangalanan itong "Betty." Ayon sa Pangulo, may posibilidad na magdala ng matinding pag-ulan at pagbaha ang bagyo sa ilang lugar sa Luzon at Visayas. "May posibilidad na hilahin ng bagyo ang Hanging Habagat na magdadala ng matinding pag-ulan at magreresulta sa pagbaha sa ilang bahagi ng bansa sa Luzon hanggang Visayas," saad ni Marcos.
Latest News