BIYAHERO SA 'RED LIST' COUNTRIES PUWEDE NANG PUMASOK SA PH
Published Jan 14, 2022 06:45 PM by: NET25
Pinapayagan na ng gobyerno na makapasok sa Pilipinas ang mga biyahero na mula sa mga teritoryong nasa 'red list' o mga teritoryo na itinuturing na mataas ang kaso ng COVID-19. Ayon kay Cabinet Secretary at acting presidential spokesperson Karlo Nograles, pinapayagan na ang inbound international travel ng lahat ng galing sa 'red list countries' sa nakaraang 14 araw bago sila dumating sa Pilipinas. Magugunitang una nang pinagbawalan ng gobyerno na makapasok sa Pilipinas ang mga biyahero mula sa 'red list' territories maliban na lamang sa mga pauwing Filipinos na sakay ng mga Bayanihan flights. Lahat ng biyahero na papasok sa Pilipinas ay kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test na isinagawa 48 oras bago sila bumiyahe. Nauna rito, ipinapatupad ang pagkuha ng test 72 oras bago bumiyahe. Ang mga kumpleto na ang bakuna mula sa Red List areas ay kailangang mamalagi sa mga quarantine facility pagdating sa bansa at kailangang sumailalim sa panibagong RT-PCR test sa ika-pitong araw. Maaari silang palabasin sa sandaling lumabas ang negatibong resulta pero dapat mag home quarantine hanggang ika-14 na araw buhat nang dumating sa bansa. Ang mga hindi bakunado, hindi kumpleto ang bakuna, at hindi ma-validate ang bakuna ay mananatili rin sa mga quarantine facility at kukuha ng RT-PRC test sa ika-7 araw. Maaari lamang silang makalabas ng quarantine facility sa ika-10 araw kahit pa negatibo ang resulta ng test at tatapusin ang 14 na araw na quarantine sa kanilang bahay. Inanunsiyo ni Nograles na simula Enero 16 hanggang 31, kabilang sa nasa ilalim ng Red List ang Antigua and Barbuda, Aruba, Canada, Curacao, French Guiana, Iceland, Malta, Mayotte, Mozambique, Puerto Rico (US), Saudi Arabia, Somalia, Spain, at US Virgin Islands.
Latest News