2 LALAKI ARESTADO SA MAKATI SA PAGBEBENTA NG ILLEGAL FIREARMS
Published Jan 23, 2022 03:09 PM by: NET25 NEWS
Arestado ang dalawang lalaki dahil sa umano'y pagbebenta ng iligal na armas sa Makati City noong Biyernes. Kinikilala ang suspek na sina Edmundo Pequena, 53, at Rany Calatcat, 47. Nahuli ang dalawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang entrapment operation sa Barangay Pitogo bandang alas-7:15 ng gabi, ayon kay CIDG National Capital Region field office chief Col. Randy Glenn Silvio. Sinabi ni Silvio na kabilang ang mga suspek sa isang criminal group na nag-o-operate sa southern Metro Manila. Nagbenta umano ang dalawa ng kalibre .38 na baril sa isang pulis na nagpanggap na buyer. Nakumpiska rin ng mga pulis sa mga suspek ang isang 12-gauge shotgun, anim na bala, tatlong sachet ng methamphetamine hydrochloride o shabu at mga drug paraphernalia. Sa talaan, dati nang naaresto sina Pequena at Calatcat dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act. Nahaharap ang mga suspek sa kasong gunrunning, possession of prohibited narcotics at paglabag sa election-related gun ban.
Latest News