WEBSITES, MAAARING GUMAWA NG LEGAL REMEDIES KONTRA NTC BLOCKING
Published Jun 23, 2022 01:24 PM by: NET25
TILA pinayuhan pa ng Malacañang ang mga websites na na-tagged bilang affiliates o supporters ng terrorist organizations na nakatakdang i-blocked ng National Telecommunications Commission (NTC) na maaaring gumawa ng legal remedies para irekunsidera ang nasabing hakbang. Ang pahayag na ito ni Acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar ay tugon matapos na kondenahin ng ilang grupo ang naging kautusan ng NTC na i- block ang mga websites na na-tagged bilang affiliates o supporters ng terror organizations. “Legal remedies are available to any party, including online media outfit Bulatlat, affected by this action,” ayon kay Andanar. Binigyang diin pa rin ni Andanar na ang naging hakbang ng NTC na i-block ang ilang websites ay dahil na rin sa naging kautusan ng National Security Council (NSC) bilang pagganap sa kanilang mandato. Sa ulat, inutusan ng NTC ang mga internet services provider na i-block ang mga website na konektado sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front. Bago ito, matatandaang sumulat si National Security Adviser Hermogenes Esperon sa NTC upang hilingin na i-block ang access sa 25 website na naka-link sa CPP-NPA-NDF na idineklarang teroristang grupo ng administrasyong Duterte. Kabilang din sa mga ipinapa-block ng NTC ay mga website ng mga progresibong grupo at independent media. Samantala, wala namang nabanggit na dahilan sa hiling ni Esperon na i-block ang website ng progresibong grupo at independent media gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Pero tinukoy sa sulat na affiliated at sumusuporta sa mga terorista at teroristang grupo ang mga naturang website.
Latest News