Logo
FEATURED

DMW PINAG-IINGAT ANG PUBLIKO SA ILLEGAL RECRUITERS ONLINE

Published Nov 24, 2022 04:30 PM by: NET25 News | 📷: DEPARTMENT OF MIGRANT WORKERS FB

DMW PINAG-IINGAT ANG PUBLIKO SA ILLEGAL RECRUITERS ONLINE

Mag-ingat sa illegal recruiters online. Paalala ito ng Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko sa naglipanang illegal recruitment activities na nag-aalok ng “customer service relations” o “technical support” staff sa mga kumpanya na pinatatakbo ng mga Chinese sa border ng Myanmar at Thailand. Sinabi ni DMW Secretary Susan Ople, na nakipag pulong siya sa 10 mula sa 12 indibidwal na nasagip na biktima ng Chinese call center na nakabase sa liblib na lugar sa Myanmar malapit sa border ng Thailand. Naglabas na rin ng advisory ang DMW laban sa inaalok online ng pansamantalang trabaho sa Myanmar para sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) pero mga forced labor at human trafficking. Ayon kay Ople, ang mga nasagip na biktima ay dumanas ng matinding depression at pisikal na pang-aabuso sa mga employer na hindi pinangalanan. Nagpasalamat ang kalihim kay Senator Risa Hontiveros dahil katuwang ng DMW ang tanggapan ng senador at Department of Foreign Affairs (DFA) sa pag-rescue sa mga biktima. Ayon kay Ople, ang mga biktima ay na rekrut online via Facebook at pinangakuan ng monthly salary na P40,000 para sa anim na buwang trabaho bilang “data encoders, customer service relations and technical support” staff. Inilahad ni Ople na naikwento ng mga biktima na pinaniwala silang magtatrabaho sa Thailand pero nauwi sa isang “technopark” sa liblib na lugar sa Myanmar. Sa dating app at iba pang mga platform ng social media naghahanap ang mga biktima ng potential bitcoin investors. Nauna ng sinuspinde ang deployment ng mga OFW (overseas Filipino worker) sa Myanmar sa pamamagitan ng Advisory No. 54 na nilagdaan ni Acting POEA (Philippine Overseas Employment Administration) Administrator at DMW Undersecretary Bernard Olalia noong Agosto 2, 2022. Binalaan sa advisory ang mga OFWs na iwasan mag-apply sa Myanmar dahil sa patuloy na karahasan at armadong tunggalian sa bansa pati na rin ang pagtaas ng insidente ng illegal recruitment at human trafficking. Samantala, inatasan na ni Ople ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tulungan ang mga nasagip na biktima at magbigay ng overnight accommodations gayundin ang shuttle services pauwi sa kanilang mga tahanan sa Metro Manila, at air transit para sa babalik sa mga probinsya. Bibigyan din ng OWWA ng P10,000 ang bawat isa sa mga biktima at hinikayat na lumahok sa job placements overseas man o local. Ang Ugat Foundation Incorporated na isang non-government organization ay nagbigay din ng spot counselling sa mga biktima at psycho-emotional evaluation. Sinabi ng kalihim na ang DMW Anti-Illegal Recruitment Branch (AIRB) ay nakikipag-ugnayan na sa Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) sa dokumentasyon ng testimonya ng mga biktima bilang paghahanda sa pagsasampa ng mga kaso ng human trafficking at illegal recruitment.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News