DA IKINATWIRAN NA GLOBAL ISSUE NA ANG PRESYO NG ITLOG
Published Feb 04, 2023 06:57 PM by: NET25 News
Hindi lang daw sa Pilipinas problema ang presyo ng itlog. Depensa ito ng Department of Agriculture (DA) at isiniwalat na hindi "exclusive" ng Pilipinas ang suliranin sa lumolobong presyo ng itlog dahil kinokonsidera na ito na global issue. Sa pinakabagong price monitoring ng DA, ang medium-sized eggs ay may presyo na P9 kada piraso sa ilang pamilihan sa Kalakhang Maynila. Inamin ng ahensiya na hindi dapat tumaas ang 'current rate' lalo na kung ibabase sa production costs. “Mayroon po tayong nakita na P6.20 na cost to produce tapos syempre may iba pang incidental cost P7 pero again to factor in agricultural input at P7.20 tapos 'yung byahero plus retailer ang per piece po hindi po dapat aabot ng P9 per piece ang itlog,” ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista. Base sa survey ng Philippine Egg Board (PEB), ang farmgate prices sa iba't ibang parte ng bansa ay ang mga sumusunod: P5.93 kada piraso sa Cebu; P6.50 sa Laguna, at P9 sa Iloilo. Sinabi pa rin ng PEB na ang pagtaas ng presyo ay problema rin sa ibang bansa gaya ng Japan, Estados Unidos, at New Zealand. Sa ulat, ang presyo ng itlog sa New Zealand ay P20.76 kada piraso piece; P17.59 kada piraso sa Amerika; P11.41 kada piraso sa United Kingdom, at P8.58 kada piraso sa Japan. “Hindi lamang ito sa Pilipinas nararanasan but we are open din to look for a solution that will protect our producers,” dagdag na pahayag ni Evangelista. "One of the solutions to lower the prices is to reduce the production costs of egg farming," ayon naman sa DA. Subalit para sa Philippine Egg Board Association (PEBA), mahalaga na konsultahin ang lahat ng stakeholders at pag-aralan ang karagdagang halaga na ipapataw sa pagbebenta ng itlog. “Kausapin din nila 'yung mga middleman, 'yung mga biyahero saka 'yung mga retailers para tanungin nila bakit ganoon,” ayon kay PEBA chairperson Gregorio San Diego.
Latest News