OPISYAL NG PHARMA COMPANIES NA UMINDIYAN SA SENADO, ISU-SUBPOENA
Published Feb 04, 2023 07:17 PM by: NET25 News|📷 SENATE OF THE PH FB
Padadalhan ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilang pharmaceutical companies na hindi dumalo sa executive session kaugnay sa tunay na presyo ng mga biniling COVID-19 vaccines ng pamahalaan. Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, may mga pharmaceutical companies ang hindi nakadalo sa idinaos na executive session kaya mapipilitan maglabas ng subpoena ang komite para padaluhin sa pagdinig ang mga opisyal ng kumpanya. Tumanggi si Tolentino na pangalanan ang mga opisyal at ang pharmaceutical companies dahil ito ay paglabag sa confidentiality rules ng Senado pagdating sa executive session. Very cooperative naman, ayon kay Tolentino, ang mga pharmaceutical companies na humarap kamakailan sa executive session dahil isiniwalat nila ang tunay na presyo, volume at doses ng COVID-19 vaccines na nai-deliver sa kasagsagan ng pandemya. Tiniyak ni Tolentino na isasapubliko ang detalye sa presyo ng mga biniling bakuna at humihingi na rin ng permiso sa mother company ang mga pinadalang representative. Hiniling din ng senador sa Office of the Solicitor General kung maaaring obligahin ang Department of Health (DOH) na bigyan ang Senado ng kopya ng mga non-disclosure agreement (NDA) sa mga biniling COVID-19 vaccines.
Latest News