BICOL REGION MAKIKINABANG SA PAG-EXPORT NG PILI NUTS SA EUROPEAN UNION
Published Mar 18, 2023 04:13 PM by: NET25 News|📷 DA
Malaking pakinabang at tulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Bicol region ang muling pag-export ng Pilipinas ng dried pili nuts sa European Union countries. Ito ang inihayag ni Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co kasunod ng anunsyo ng Malacanang na kasama ang dried pili nuts sa listahan ng ‘novel foods’ na ibebenta sa EU market matapos pansamantalang nahinto dahil sa ipinatupad na regulasyon noong 2015. Ayon kay Co, malaking tulong ito sa mga magsasaka at Pili industry ng Bicol partikular sa pagpapasigla ng ekonomiya sa anim na probinsya ng rehiyon. Ang lalawigan ng Bicol ay binubuo ng Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate. Kapag nasimulan ang plano ng Palasyo, nakakasiguro si Co na mabibigyan ng pagkakataon ang pili farmers na kumita mula sa ‘high value commodities’ gaya ng pili. Base sa 2021 pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), 84% ng kabuuang produksyon ng pili ay nagmula sa lalawigan ng Bicol kung kaya napanatili nito ang bansag na `top producer’ ng pili nuts sa Pilipinas.
Latest News