CASE BUILD-UP SINIMULAN NA NG NBI LABAN SA MAY-ARI NG MT PRINCESS EMPRESS
Published Mar 18, 2023 08:13 PM by: NET25 News|📷 PCG FB
Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na inumpisahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangangalap ng ebidensya at close coordination sa mga ahensya ng pamahalaan upang mapalakas ang kaso na inihahanda laban sa may-ari ng lumubog na MT Princess Empress. Ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano, bumuo na ang DOJ ng inter-agency committee at inihahanda ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kumpanya na nagmamay-ari ng barko, RDC Reield Marine Services. “Civil liabilities, criminal liabilities and administrative liabilities. Nagbuo tayo ng isang inter-agency committee, so, we will wait for reports from these involved agencies doon sa kanilang scope para magkaroon tayo nang mas malinaw na picture dito sa ating issue ng oil spill,” pahayag ni Clavano. Kinumpirma rin ni Clavano na tatlo pang testigo sa rehabilitasyon ng 50 taon gulang na MT Dorothy Uno na pinalitan ng pangalan na MT Princess Empress ang nagtungo sa tanggapan ng NBI upang magbigay ng sinumpaang salaysay sa pagkakasangkot nila sa pagsasaayos ng lumubog na motor tanker. Ang tatlo ay kasamahan ni alyas "Dodong" na unang nagsiwalat na hindi bago ang MT Princess Empress at inamin na may depekto sa disenyo ng motor tanker dahil ito ay dating LPG tanker. Lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng Balingawan Point sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28 na may karga na 900,000 litro ng industrial fuel oil. Nakaligtas naman ang lahat ng 20 crew ng motor tanker pero ang paglubog nito ay nagdulot ng malawakang oil spill sa ilang bayan sa Oriental Mindoro at umabot na sa Palawan at Caluya, Antique. Nauna nang itinanggi ng RDC Reield Marine Services ang alegasyon na luma at matanda ang pag-aaring barko at ito ay orihinal na nakadisenyo para magbiyahe ng buhangin.
Latest News