PBBM, NAKIRAMAY SA PAMILYA NG 5 PINOY CREW NG LUMUBOG NA CHINESE FISHING VESSEL
Published May 26, 2023 05:12 PM by: NET25 News | 📷: PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE FB
Personal na nagparating ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng limang Pinoy crew na nasawi sa tumaob na Chinese fishing vessel sa Indian Ocean noong nakaraang linggo. “Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng mga kababayan nating nasawi sa tumaob na fishing vessel sa Indian Ocean noong ika-16 ng Mayo,” sinabi ni Marcos sa kaniyang tweet. “Nakaantabay ang ating pamahalaan para sila’y alalayan,” dagdag na pahayag ng Pangulo. Pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang Australian at Chinese search and rescue teams. “We also extend our gratitude to the Australian and Chinese search and rescue teams for conducting extensive operations in spite of the unforgiving weather,” saad ni Marcos. Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa repatriation ng mga labi ng limang Filipino seafarer. Kasama ang limang Pinoy sa 39 crew na sakay ng Chinese fishing vessel, F/V Lu Peng Yuan Yu 028, na tumaob sa Indian Ocean noong Mayo 16. Tiniyak naman ni DFA spokesperson Teresita Daza na magbibigay ng tulong ang ahensya sa pamilya ng mga Pinoy na nasawi.
Latest News