Logo
FEATURED

LABOR INSPECTION, MULING IPAGPAPATULOY NG DOLE

Published Jan 23, 2022 03:25 PM by: NET25 NEWS

LABOR INSPECTION, MULING IPAGPAPATULOY NG DOLE

Muling magpapatuloy ang labor inspection sa buong bansa matapos ang pansamantalang suspensyon nito noong Disyembre upang matiyak na sumusunod sa labor laws ang mga establisyimento. Sa inilabas noong Enero 19 na Administrative Order No.11 Series of 2022, pinahintulutan ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang mga labor inspector ng Departamento na magsagawa ng mga routine inspection, complaint inspection, pagsisiyasat sa mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho, at espesyal na inspeksyon sa mga establisyimento hanggang Disyembre 31, 2022, maliban kung mas maaga itong binawi. Bukod dito, ipinag-utos din ni Bello sa lahat ng DOLE Regional Directors na mag-isyu ng kaukulang awtoridad upang siyasatin at imbestigahan ang mga partikular na establisyemento o lugar ng trabaho. Sa nasabing kautusan,mahigit 600 labor inspector ang binigyan ng awtoridad na magsagawa ng labor inspection activities sa mga establisyemento sa buong bansa. Pinahintulutan naman ang 126 na technical safety inspector na magsagawa ng Technical Safety Inspection ng mga boiler, pressure vessel, internal combustion engine, elevator, hoisting equipment, electrical wirings, at iba pang mechanical equipment installation. Ang mga technical safety inspectors na mga nakarehistrong mechanical at electrical engineer naman ay inatasang magsagawa ng paunang pagsusuri at pagsusuri ng mga mekanikal at elektrikal na plano para sa pagpapalabas ng Permit to Operate para sa mekanikal na kagamitan at Certificate of Electrical Inspection para sa mga electrical wiring installation. Pinaalala rin ng kalihim sa nasabing kautosan na tanging itinalagang Hearing Officers ang dapat magsagawa ng mga mandatoryong kumperensya para sa mga inspeksyon na may mga nabanggit na paglabag. Panghuli, 115 regional office personnel ang itinalaga bilang Sheriff na mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga inilabas na writ of execution, pagpapatupad ng mga desisyon, at pagganap ng mga pinal na desisyon at kautusan. Maalala na ipinag-utos noong Disyembre ni Bello sa lahat ng DOLE regional directors ang pansamantalang pagtigil sa lahat ng labor inspection activities sa kani-kanilang rehiyon upang bigyang-daan ang Departamento na tapusin ang lahat ng mga nakabinbing kaso ng mga pamantayan sa paggawa at ihanda ang inspection program para sa 2022. Kabuuang 90,327 establisyimento na sumasaklaw sa 3.7 milyong manggagawa ang ininspeksyon noong 2021.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News