KASO NG OMICRON SUBVARIANTS NADAGDAGAN PA
Published Aug 06, 2022 02:45 PM by: NET25 News
Nakapagtala pa ang Department of Health o DOH ng karagdagang kaso ng Omicron subvariants sa bansa base sa huling genome sequencing run ng Philippine Genome Center. Ayon kay DOH officer- in- charge Maria Rosario Vergeire may natukoy pang 95 karagdagang kaso ng BA.5 variant sa bansa. Sa bilang na ito, 83 pasyente ang recovered na. Ang 67 indibidwal ay mula sa Region 11, ang 25 ay mula sa Region 12, at tig isa mula Region 10, CARAGA, at NCR ang nagpositibo. Fully vaccinated ang 52 indibidwal, 3 kaso ang hindi nabakunahan habang ang vaccination status ng natitirang 40 indibidwal ay inaalam pa. Sa ngayon ayon kay Vergeire, ang exposure o pagkakalantad, travel histories at health status ay patuloy pang biniberipika. Lima sa kabuuang bagong kaso ng BA.5 ang nanatiling naka-isolate habang ang resulta ng pitong iba pa ay kasalukuyang biniberipika. Sa kabuuan mayroon nang 3,107 kaso ng BA.5 sa bansa base na rin sa huling sequencing. Samantala, mayroon ding karagdagang 7 na kaso ng BA.4 variant kung saan lahat ay fully vaccinated at gumaling na. Limang indibidwal ay mula sa Region 12 at dalawa sa Region 11. Dalawa pang karagdagang kaso ng BA.2.12.1 ang natukoy sa bansa sa huling genome sequencing ayon sa Department of Health o DOH. Sa media forum, sinabi ni DOH officer- in- charge Maria Rosario Vergeire na ang dalawang kaso ay kapwa nakarekober na sa virus. Kapwa mula sa Region 11 ang mga pasyente at sila ay fully vaccinated. Sa ngayon, ang exposure o pagkakalantad, travel histories at health status ng dalawang indibidwal ay biniberipika na. Ayon kay Vergeire, mayroon nang kabuuang 174,000 kaso ng BA.2.12.1 sa ating bansa.
Latest News